Featured PostsScienceTechnology

Mga Maling Haka-Haka Ukol sa mga Tinanguriang “Bad Foods”

Walang duda, masarap ang kumain. Isa ang pagkain sa pangunahing pangangailangan natin bilang tao, kaya naman 3 beses o higit pa tayo kumakain sa isang araw. Sa dami ng mga pagpipilian natin na pwedeng kainin, minsan napapaisip din tayo kung makakabuti nga ba ito sa atin o hindi.

May mga pagkain na sinasabing nakakasama sa atin, pero nakakasama nga ba? Alamin natin.

1. Hindi  nga ba mabuti ang itlog para sa puso?
Ang itlog ay isa sa pinakapatok na hinahain tuwing almusal dahil madali lang itong lutuin at higit sa lahat ay masustansya. Ngunit sinasabing masama daw ito para sa ating puso dahil nagtataglay ito ng cholesterol lalo na ang dilaw ng itlog. Hindi maganda ang mataas na antas ng cholesterol sa ating katawan dahil maaari itong bumara sa ating ugat na makakaapekto sa daloy ng dugo at posibleng magdulot ng atake sa puso. Ngunit sinasabi sa ilang pag-aaral na ang saturated fats at trans fat ang talagang nakakaapekto sa antas ng cholesterol sa dugo, hindi ang dietary cholesterol na nakukuha natin sa itlog. Mababa lang ang antas ng saturated fats ng itlog, kaya ang sapat na pagkain nito ay hindi nangangahulugan na tataas ang cholesterol sa katawan o magkakaroon ng sakit sa puso.

 

2. Nakaka-dehydrate  nga ba talaga  ang kape?
Sinasabi na ang kape ay diuretic o nakakaapekto sa pagkakaroon ng ihi natin sa katawan kaya ang pag-inom daw nito ay nakakadehydrate dahil mas madalas kang makakaramdam ng pag-ihi. Ngunit ang antas ng diuretic ng kape ay mababa lang kaya ang mga mahilig sa kape ay hindi dapat mabahala sa pag-inom nito. Umiinom man ng kape o hindi, mas mainam pa rin na uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang pagkadehydrate.

 

 

3. Nakakataba nga ba ang carbohydrates?
Marami sa nagdidiet ang umiiwas kumain ng mga pagkain na mayaman sa carbohydrates dahil sa takot na sila ay tumaba.

Hindi naman nakakataba ang carbohydrates. Ang pagkain na masyadong mataas sa calories ang tunay na nakakataba.” Ayon kay Jean Harvey-Berino, Ph.D., R.D., pangulo ng kagawaran ng nutrition and food sciences sa University of Vermont at co-author of The EatingWell Diet (Countryman, 2007).

Walang masama sa pagkain na may carbohydrates lalo na kung ang pipiliin mo ay yung may mga “good-carb” gaya ng mga munggo at iba pang beans, prutas at gulay. Hindi lamang carbohydrates ang ibinibigay nito sa ating katawan ngunit pati na rin ang iba pang mga bitamina at mineral na kailangan ng ating katawan.

 

4.Totoo nga ba na  nakakataba ang pagkaing ma-calories sa gabi kaysa sa umaga?
Walang kinalaman ang oras sa pagkain ng ma-calories bagkus ang antas ng calories ang higit na dapat nating pagtuunan ng pansin. Ang calories ay calories pa din anumang oras mo yan kainin.

 

5. Nababawasan nga  ang sustansya ng prutas at gulay kapag naluto na ang mga ito?
Sinasabi na ang init mula sa pagluluto ay nakakaapekto sa enzyme ng pagkain na nagiging sanhi upang mas madali itong tunawin ng ating katawan. Mas nagiging madali din para sa ating katawan ang iproseso ang mga pagkain dahil mas nagiging malambot ang himaymay ng mga pagkain kapag ito ay naluto na.
Nalaman ng mga siyentipiko sa mga nakaraang taon na ang pagluluto sa pagkain ay mas nakakapagpataas ng mga importanteng sangkap sa ilang prutas at gulay. Halimbawa ay ang ketchup na nagtataglay ng 5 hanggang 6 na beses na mas mataas ang antioxidant lycopene kaysa sa hilaw na kamatis, na higit na nakakatulong upang maiwasan ang kanser.

 

 

Ang pagkain ang isa sa pangunahing pangangailangan ng ating katawan, ngunit lagi din nating tatandaan na ang anumang kulang o sobra ay nakakasama sa ating kalusugan. Kumain lamang tayo ng sapat at naaayon sa ating pangangailangan. Sundin din ang payo ng mga doctor tungkol sa ating kalusugan at umiwas sa mga pagkain na maaring makasama sa atin.

MAHALAGANG PAALA-ALA: Ang may-akda ay hindi doktor o eksperto sa medisina. Ang mga nakasaad dito ay batay lamang sa sariling pananaliksik. Kung may katanungan po kayo tungkol sa inyong kalusugan, mas makakabuti na personal kayong sumangguni sa inyong mga doktor.

Facebook Comments

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *