Featured PostsNews

Mga chikiting agaw-eksena sa BBC interview!

Isang propesor sa South Korea ang nag-viral dahil sa kanyang nakakaaliw na video kasama ang kanyang anak. Sa videong ito, makikita na kasalukuyan siyang nasa isang live interview kasama ang BBC nang biglang pumasok sa kuwarto ang kanyang mga anak.

Si propesor Robert Kelly ng Pusan National University  ay may ginagawang interview gamit ang Skype sa opisina niya sa kanyang bahay. Makikita sa video na naunang pumasok ang kanyang 4 na taong gulang na anak na si Marion, na masayang masayang makita ang kanyang ama, at kasunod nitong pumasok ang naka-walker si James na 8 buwan pa lamang.

Naalarma ang kanilang ina na si Kim Jung-a sa nangyari, dali-dali din siyang pumasok sa kwarto at hinila sa braso si Marion pati na rin ang walker ni James habang palabas silang tatlo.

Nakakatuwa na nung mga panahong iyon ay nakalimutan ni Robert Kelly na isara ang kanyang kuwarto para hindi makapasok ang mga bata.
“Madalas niyang inila-lock ang pinto” sabi ni Kim. “Madalas kapag nalaman ng mga bata na naka-lock ang pinto, bumabalik na agad sila sa akin. Pero nung oras na yun, hindi na sila bumalik. Nakita kong bukas ang pinto. Kinabahan na agad ako.” dagdag pa niya.

Ayon sa The Wall Street Journal, nasa sala ng mga oras na yun si Kim at ang dalawang bata nung nagsimula ang interview ni Robert. Ginagamit din noon ang cellphone ni Kim para i-record ang interview.

Inakala ni Robert na puputulin ng BBC ang interview o di kaya’y isasaayos sa ibang posisyon ang camera, ngunit huli na ang lahat nang pumasok na ang dalawang bata.
“Pagpasok pa lang ni Marion nakita ko na siya agad sa screen.” sabi ni Robert. Dagdag pa niya, walang ibang dapat sisihin kundi siya dahil nakalimutan niya isara ang pinto.
“Alam kong nagkamali ako, naging sikat tuloy sa Youtube ang aking mga anak. Nakakatawa talaga.” sabi ni Robert sa WSJ.

Marami din ang nag-akala na si Kim ay yaya ng mga bata, at hindi ang nanay ng mga ito.
“Hindi na namin pinagtalunan pa yun.” sabi ni Kim. “Sana naaliw ang mga tao sa napanood nila, hindi para pagtalunan pa ang ganitong mga bagay. Dahil hindi ako ang yaya, ayon ang totoo kaya sana tigilan na nila ang pagtatalo.” dagdag pa nya sa kanilang interview sa BBC pagkatapos ng insidente.

Nag-viral ang video ng pamilyang ito nitong nakaraang Biyernes lang, March 10, 2017.

Facebook Comments

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *