Featured PostsScience

Mga Etchoserang Palaka, May Kakaibang Glow

Sinong mag-aakala na may palaka palang nag-iiba ng kulay? Sa maniwala kayo at sa hindi, mayroong natagpuang palaka sa Argentina na nag-iiba ng kulay kapag natatamaan ng “ultraviolet light”. Ito ang unang pagkakataon na makadiskubre ng ganitong uri ng palaka na may “mailaw” na katangian kaya talaga namang nakakamangha.

Ang hindi sinasadyang pagkadiskubre sa nasabing palaka ay naganap noong ang isang grupo ng mga siyentipikong Argentine at Brazilian ay nagsagawa ng pag-aaral tungkol sa metabolic na pinagmulan ng kulay ng mga palakang-puno na pangkaraniwan sa South America.

Ang pangkaraniwang kulay ng nadiskubreng palaka ay maninilaw-nilaw na may halong kulay kape at mayroong mga pulang tulduk-tuldok, pero kapag ito ay natapat sa “ultraviolet light” nagbabago ang kulay nito at nagiging luntian. Nakakabilib, hindi ba?

Halos 200 pang mga palaka ang pinag-aralan ng grupo upang matiyak na ang kakaibang pangyayaring ito ay hindi lamang dahil sa pagkahuli ng naturang palaka, at kanilang natuklasan na ang “mailaw” na katangiang ito ay nakita sa lahat ng specimen.

“Maaaring ginagamit ng palakang ito ang “pag-ilaw” niya para sa kanilang komunikasyon lalo na para makaakit ng kanyang kapareha” sabi ni Norberto Peporine Lopes, isang chemist sa University of San Paulo.

“Nakakatulong ang kanyang liwanag para maging kaakit-akit sa mata ng ibang palaka” dagdag pa ni Lopes. Ang liwanag at kulay na ito kasama na rin ang tunog at amoy ng palaka ang tumutulong sa lalaking palaka na mahanap agad siya ng babaeng kapareha niya.

Ayon naman kay Maria Lagorio, isang nagsasariling mananaliksik at eksperto sa pag-ilaw o “fluorescence”, ang ganitong katangian ay hindi bago sa ilang mga hayop sa dagat pati na rin mga insekto, ngunit wala pang naitala na ganitong pangyayari pagdating sa mga hayop na naninirahan sa lupa at tubig o tinatawag na “amphibians”.

Ang pagkatuklas na ito ay nailathala lang kamakailan sa Proceedings of the National Academy of Sciences.

Facebook Comments

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *