Featured PostsScience

Bakit Naka-Wheelchair ang Goldfish na Ito?

Kataka-taka na ang isang isda na gaya ng goldfish ay nagkakaroon din pala ng problema sa kanilang balanse sa tubig. Nagiging sanhi ito upang hindi nila makontrol ang paglutang nila sa tubig.
Si Taylor Nicole Dean na nakatira sa Texas ay nagbahagi tungkol sa isang goldfish na may kondisyon na “swim bladder disorder” at ito nga ang dahilan upang mahirapan ang isda sa paglutang nito sa tubig. Dahil na rin sa kondisyong ito, nahihirapan ang nasabing goldfish kumain at ang tagiliran niya ay laging nagagasgasan. Ibinahagi niya ang kalagayan ng goldfish sa Twitter matapos na mabigyan ang goldfish ng isang “wheelchair” na dinesenyo ng kanyang kaibigan na si Derek Burnett.

Si Derek Burnett ay isang 36 taong gulang na manager ng Aquarium Designs sa San Antonio Texas, at dahil nga sa kondisyon ng nasabing goldfish naisip niya magdesinyo ng isang aparato na makakatulong sa paggalaw ng mga hayop sa tubig.

Ilang araw lamang pagkatapos ibahagi ni Taylor ang kalagayan ng goldfish pati na rin ang paggamit nito ng wheelchair, isang customer ang bumili ng isang goldfish na may permanenteng bladder disorder at nagpagawa din ng wheelchair kay Derek.

“Lagi na lang siyang nasa ilalim at hindi siya makapunta sa itaas na parte ng tubig. Pero hindi na ngayon!” sabi ng naturang customer.

Nakakatuwa na marami na rin ang kumilala sa imbensyon na ito ni Derek, isa na dito ang nagbigay ng mensahe sa Twitter ang sabi, “May ganyang kondisyon din ang aking isda kaya pinapakain ko siya gamit ang aking kamay. Baka maaari niya akong tulungan, sana mag-iwan siya ng mensahe sa akin.”

Marami din ang nagbigay ng kaparehong kuwento sa kanilang mga isda na hindi nalalayo sa kondisyon ng nasabing goldfish. Nakakatuwa din na malaman na marami pala ang nagmamalasakit sa isda at hindi sinasabing “Isda lamang yan.”
Ngunit paano nga ba naisipan ni Derek ang ganitong imbensyon?

Sa isang Buzzfeed News, kinuwento ni Derek kung paano niya sinimulan ang kanyang imbensyon.

“Nilagyan ko lang ng airline tubing, iyong kagaya nung mga ginagamit ng mga tao sa kanilang mga tangke kapag lumalangoy at nilagay ko lang sa katawan ng goldfish. Dinagdagan ko lang ng “silya” sa ilalim nito para umangat siya. Nilagyan ko din ng pampabigat sa ilalim ng “silya” at pampalutang sa itaas ngunit unti-unti ko rin itong tinanggal nung nakita kong maayos na niyang nakukuha ang balance niya sa tubig at maayos na siyang nakakalangoy at hindi na nahihirapan sa kanyang wheelchair.”

Nakakatuwa ang ganitong pangyayari dahil mas marami ang nagiging bukas ang kaisipan at nagmamalakasakit sa mga hayop. Hindi sila itinuturing na mas mababang uri sa mga tao bagkus ang pinaglalaanan sila ng oras na tulungan at mahalin din gaya ng lahat ng nilalang.

Dahil sa nagiging in-demand na ang imbensyon ni Derek, magkakaroon ng cameo video ang goldfish ni Taylor kung saan ibabahagi nila kung paano gumamit ng wheelchair ang isang isda.

Facebook Comments

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *