Featured PostsNews

Liham ng Isang Batang Gustong Makapagtrabaho sa Google, May Positibong Tugon Mula sa CEO

Libre ang mangarap, ika nga. Ang pagkakaroon ng pangarap ay wala sa edad, bata ka man o matanda. Gaya na lamang ng isang batang nagviral kamakailan lang dahil sa pagsulat niya sa Google.

Si Chloe Bridgewater, isang 7-taong gulang na batang babae mula sa Hereford ang sumulat sa Google dahil sa pangarap niyang makapagtrabaho doon. Nakasaad pa sa kanyang sulat ang kanyang pagkahilig sa mga robots at computers.

Ang sulat ay naka-address kay “Google Boss”, at nakadetalye dito ang kanyang mga kakayanan kasama na ang pagiging mahusay niya sa klase at magaling siya sa spelling, pagbabasa at pati na rin sa math.

“Sinabi sa akin ni Daddy na mag-apply daw ako para makakuha ng trabaho sa Google. May mga sinabi siyang mga posisyon pero hindi ko naintindihan pero ang isang sulat ay sapat na sa ngayon.” sabi ni Chloe.

Nakakatuwa na pagkalipas ng ilang araw, may sumagot sa sulat niya at ito ay walang iba kundi ang Google CEO mismo, si Sundar Pichai.

Sinabi ni Mr. Pichai kay Chloe, “Sa tingin ko kung pagbubutihin mo ang pag-aaral mo at mangangarap ka, hindi malayong marating mo ano man ang gustuhin mo.”

Talagang napaka-personal ng sulat ni Chloe dahil siya mismo ang nagsulat nito, hand-written niya! Ang sulat niyang ito ay unang nalathala sa Business Insider.

“Hihintayin ko ang job application mo kapag nakatapos ka na ng pag-aaral mo.” dagdag pa ni Mr. Pichai.

Ang tatay ni Chloe na si Andy Bridgewater ang nag-share nito sa LinkedIn at mula doon ay naging viral na ang sulat na ito.

“Mas pursigido na siyang mag-aral ngayon at magtrabaho sa Google.” ani ni Mr. Bridgewater.

Malaki din ang pasasalamat ni Mr. Bridgewater kay Mr. Pichai dahil sa personal na pagsagot nito sa sulat ng kanyang anak, isang napakabusy na tao ang nag-abala pa upang bigyan ng oras ang sulat ng isang batang babae. Malaking tulong ito na magkaroon muli ng tiwala sa sarili si Chloe dahil bumaba ang kumpiyansa niya sa sarili ng dahil isang aksidente. Simula na iyon ng pag-abot ni Chloe sa mga pangarap niya, kahit na marami pa siyang bigas na kakainin bago makapagtrabaho sa Google.

Facebook Comments

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *