Featured PostsScienceTechnology

Dahil Napaniwala ka Nila na Kamukha Mo Si Liza Soberano, Nabiktima ka na ng Online Scam

“Katuwaan lang naman at wala namang mawawala,” yan ang palaging naiisip ng isang Facebook user bago sya mabiktima ng mga online phishing scams. 

Akala mo lang wala, pero meron. Meron! Una, alam agad ng mga kaibigan mong, madali kang malinlang. Ikalawa, binigyan mo ng access sa iyong Facebook account ang mga mapanlinlang na kumpanya. Isipin mo, kung ang password ng account mo ay hindi mo maipagkatiwala kay bes, kay bae o kay inang, bakit mo binibigyan ng access ang mga di kilalang apps sa account mo?

Dumarami na nga ang mga sumisikat na apps ngayon sa social media na kalimitang kinagigiliwan ng marami, ngunit ang hindi nila alam ay delikado ang basta-bastang pagkli-click at pagbibigay ng impormasyon nang walang kasiguraduhan kung saan ito pupunta.

Talagang  madaling sumikat at maging viral ang mga app sa Facebook. Dahil masyado tayong naaaliw sa mga ito, madalas ay nakakalimutan natin at di natin namamalayan na tayo ay nakakapagbigay na ng  mga personal at mahahalagang impormasyon. Ang WittyBunny, Meaww,  at marami pang ibang apps, ang kailan lang ay  umagaw ng pansin ng mga tao  dahil ipinakita nito na ang mga gumagamit ng Facebook ay posibleng nakakapagbigay ng maraming impormasyon nang di man lang nila nalalaman.

Ang mabigat nito, ang mga nasabing mga kaalaman ay pwedeng ibenta sa mga di kilalang kumpanya. Ang mga tanong sa quiz ng nasabing app, tulad ng  “Sino sa mga kaibigan mo ang nagbibigay sa iyo ng ‘ positive vibes ‘ “ , o “ Sino ang pinaka sira ulo sa iyong mga kaibigan ? “ , sa unang tingin ay parang napaka simple lamang. Ang hindi  natin alam, ang pagsagot sa mga ito ay magpapapasok sa atin sa napakaraming mga kundisyon ng kumpanyang nag-release nito.

Sa pagbigay natin ng pahintulot na silipin ng mga ito ang ating Facebook account, hinahayaan din natin silang gamitin ito sa anumang paraang gusto nila- publikong profile , kabilang ang ating mga litrato, posts, listahan ng mga FB friends at email address. Samakatuwid ay nabibigyan din natin ang app ng pagkakataong pasukin ang  ating pribadong buhay. Ang mga data na kanilang nakukuha ay ibinebenta nila sa mga advertisers sa malaking halaga kaya ganoon na lamang ang interes nila.

Nakalagay din sa mga terminong ibinigay ng Meaww at Wittybunnyna natatanggap nila ang mga impormasyon sa tuwing gagamitin ang app gaya ng pag-interact ng gumagamit nito sa mga materyales , nilalaman , sagot sa mga quiz sa kanilang website. Bagama’t ang sabi ay naibebenta lang nila ang mga nakukua nilang data kapag sila’y may pahintulot, pero ang simpleng pagla-log-in minsan ay sapat nang permiso para gawin nila  ito. Maaaring i-off ang access dito sa pagpunta sa public information option at pag click sa tamang menu. Sinasabi rin sa website na pwedeng mabago ang mga private policies  kahit anong oras nila gustuhin. Kapag nangyari ang ganito at ang mga gumagamit ay patuloy pa rin sa pagpunta sa kanilang site,  awtomatikong naka sign up na sila sa mga bagong patakaran. Bukod sa Meeaww at Wittybunny, nandyan din ang WeeQuizz, Doctoroz, Blobla,  at marami pang iba.

Sadyang maraming mga kumpanyang nakikita sa Facebook ang humiling sa mga gumagamit ng kanilang app na magbahagi ng kanilang personal na impormasyon sa kanilang pagsa –sign up . Payo ng mga eksperto ay laging siguruhin na tinitingnan munang mabuti kung ano ang mga impormasyong ishine-share  at huwag gumamit ng mga apps na humihingi ng mga bagay na ayaw naman nila talagang ibahagi sa ibang tao.

Facebook Comments

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *