Featured PostsLifestyle

The Art of Deadma: Paano Nga ba Umiwas sa mga Negang Tao

“Pagpasok mo pa lang maririnig mo na ang kanyang boses. Malakas at mataas ang tono. Nakita mong pinapagalitan na naman niya ang iyong kaopisina na nakayuko lang at walang imik. Walang duda, galit na naman ang boss mo. Araw-araw na lang ganito ang eksena, araw-araw din masakit ang iyong tenga dahil sa masasakit na salita na iyong naririnig. Minsan napapaisip ka na lang din, “May pinagdadaanan kaya si boss? Bakit ang dami niyang hugot?”

“Lunch time na. Nagpunta ka sa pantry ng opisina para kumain. Pagdating mo doon naabutan mo ang ilan sa iyong kaopisina na nagkukwentuhan. Ang topic ng kanilang “kwentuhan” ay ang kaopisina mong napagalitan. “Eh kasi naman ang slow nya, ayan tuloy ginalit na naman si madam.” sabi ng isa. “Bakit ba kasi andito yan, wala naman naitutulong pabigat lang sa opisina.” sagot naman ng kausap. Ikaw, habang kumakain ay mapapailing na lang at mapapaisip “Ang perfect nyo naman. Grabe lang makahusga mga Te.”

 

Paano nga ba manatiling positibo kung ganito ang eksena araw-araw? Papatinag ka ba? Papadala ka ba sa mga negatibong tao o nangyayari sa iyong paligid? Magpapaapekto ka ba at magiging negatibo ka na rin sa iyong mga salita at ibang tao?

Isa lang ang sagot: pag-aralan ang Art of Deadma. Huwag pagtuunan ng pansin ang mga negatibong bagay o tao sa iyong paligid. Madaling sabihin, ngunit paano gagawin lalo na at araw-araw mo silang nakakasama.

Mas mabuting umiwas sa mga negatibong tao dahil nakakahawa ang negative vibes, sa totoo lang. Pero sa mga ganitong pagkakataon na hindi mo sila kayang iwasan, mas maigi na deadmahin mo na lang. Hindi literal na deadma na hindi mo na sila papansinin pero palampasin mo sa iyong tenga ang lahat ng iyong naririnig. Magbibingi bingihan ka sa mga naririnig mo lalo na kung di ka naman involved sa sitwasyon. Sa una mahirap pero makakasanayan mo din. Ibaling sa iba ang iyong atensyon, gawin mo ang iyong trabaho o kung ano man ang iyong mga dapat gawin at tapusin.

Kung kaibigan mo naman ang pinagsasalitaan ng mga ganitong bagay, mas maigi din na huwag ng patulan ang mga taong mapanghusga bagkus ay ang iyong kaibigan na lamang ang pagtuunan mo ng pansin. Tulungan mo siya sa kung ano mang problema niya sa trabaho o personal niyang buhay. Kung kaibigan mo naman mismo ang may pagkanegatibo, bigyang pangaral mo siya at subukan mong magbigay ng insipirasyon sa kanya para maging mas positibo ang pananaw niya sa bawat bagay.

Importante rin na huwag ng makipagtalo sa negatibong mga tao dahil kadalasan ang mga ganitong tao ay sarado ang isip. Kahit anong paliwanag na gawin mo, hindi sila papadaig. Maging civil ka na lang sa pakikitungo at pakikipag-usap sa kanila.

Kung sa tingin mo talagang walang pag-asa ang iyong mga kasama na magpakapositibo, kapit ka lang friend may solusyon pa! Ipagdasal mo na lang ang mga negatibong tao sa iyong buhay dahil bukod sa kanilang mga sarili, tanging Diyos lamang ang puwedeng makapagpabago sa kanila.

Facebook Comments

Leave a reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *